Hindi masamang magkamali. Walang may kinalaman sa mga bagay na hindi mo ginawa o gagawin pa lang. Mabuti pang huwag ng magsalita o magsulat para walang masaktan. Masaya ang buhay kapag lahat iyong nakukuha, di ba? Maraming bagay na pangit sa mundo. Maraming hindi mo masikmura. Meron ding mga bagay na pwede mong kunin o gawin pero huwag na lang. Walang kwenta rin naman pagkatapos mong makita ang totoong kahulugan nito. Hindi mo kailangan magkaron ng saysay - ang iyong gawa man o ang iyong mga salita. Wala lang lahat dahil lahat din ay mauuwi sa wala, di ba?
Subukan mong sumayaw ng wala sa kumpas o kumanta ng wala sa tono. Magsulat ng walang ibig sabihin kundi maging kabaliktaran ng nakasanayan. Kaya mo bang maging pangit? Madaling maging maganda. Ngumiti ka lang pwede na. Pero pag maganda ka talaga kahit sa pag-iyak mukha ka pa ring dyosa. Paano bang maging hindi na ikaw?
Ewan ko ba. Dapat wala ng pinatutunguhan ang mga tina-type ko na 'to. Pero parang mga paa, basta lumalakad pagkatapos may makikitang kakilala. Kakausapin ng may konting katuturan. Alangan namang suplahin mo.
Just go with it daw sabi ng kanta. Ang hindi ko maintindihan bakit walang kasalanan ang turing sa mga taong laging tama ang ginagawa. Bakit ba parang lagi na lang silang tama? Hindi ba pwedeng magkamali? May pulis ba palagi?
Madilim sa labas. Tinamad na naman magsindi ng ilaw ang kapitbahay. Nagbayad na ba sila sa Meralco? Sabagay hindi naman ikadadagdag ng yaman ng Meralco ang pagbabayad nila. Hindi rin ikalulugi ng kompanya ang di nila pagababayad.
Dapat walang patutunguhan. Parang buhay ko minsan. Minsan nakatanga na lang ako sa pader na mataas. Parang nasa Bilibid. Hindi mo naman iniisip kung ano ang nasa likod ng pader. Ang alam mo lang mas mabuti pang tumunganga kaysa mag-isip ng kung anu-ano. Gusto mo na lang nakanganga, humihinga sa bibig. Kaysa naman huminga sa mata. Masarap nakatigil na lang ang mundo, kahit yung mundo mo lang. Wala kang pakialam. Nagba-blog ng ganito. Bakit ganito ang sinusulat ko? Gusto kong matutong sumulat ng parang hindi marunong mag-isip. Yung parang walang nabasang libro o natutunan sa klase o sa trabaho o sa buhay. Paano ba maging hindi ka na ikaw?
Paano bang bigla nalang naniniwala ka na uli sa RH Bill? O kaya bilib ka pa rin kay Noynoy? Paano ba?
Masarap maging mababaw. Na basta may cellphone at ka-text masaya ka na. Ano kaya, basta bagong sweldo, pagkatapos mangalahati ang sweldo mo sa pagbabayad ng utang, gigimik kayo dyan sa murang gimikan sa kanto. Pero mababaw ba yun? Paano kung nasa tuktok ka na pala sa lagay na yun? Dahil noong araw, nagkakalkal ka lang ng basura at nakatira sa kariton kasama ang labin-lima mong kapatid at ang nanay mo na papalit-palit ng kabit.
Paano mo masasabi na okey na ang buhay mo? Wala namang okey na buhay di ba? Si Manny Pacquiao nakabili na ng 300M mansion sa Forbes Park. Oh di ba? Masasabi mo na ba na okey na ang buhay niya? Kung tatanungin natin si Pacman, sigurado ako sasabihin nya marami pa siyang gustong makamit at magawa. Wala talagang katapusan kaya walang okey.
Madilim talaga. Pero sa kalayuan maliwanag naman pala. Limitado lang pala ang aking pagtingin. Ang nakikita ko lang ang nasa paligid ko. Hindi kasama yung natatabingan ng pader na kahit na kung aabutin ko pwede ko pang masampal kung may tao man sa lugar na yon.
Sana huwag na lang uli umulan. Kawawa naman sinampay ko hindi na naman matutuyo. Kung kailan naman umuulan dun pa nasira ang spin dryer. Nasira din syempre ang washer nung isang linggo. Nag-handwash tuloy ako. Kung kailan naman nabasa ko na lahat ng lalabhan saka pa tinopak ang washing machine. Kaya pinanindigan ko na. Ilang araw din masakit ang dulo ng mga daliri ko lalo na sa gilid ng mga kuko. Nalaman ko tuloy na hindi pa ako matanda dahil mga daliri ko ang sumakit hindi ang balakang at likod ko. Dahil kaya mahilig ako sa gatas in my 20s? Wala rin akong wrinkles. Dahil kaya second year high school pa lang ako nagmo-moisturizer na ako?
Ganito kapag nagsusulat ng wala naman objectives. Ang gusto ko lang kapag natapos ang buong album na pinapakinggan ko tapos na rin itong isinusulat ko. Hindi dahil may goal ako dito. Wala. Gusto ko lang malaman kung paano ito matatapos at ano ang pwede ko pang sabihin sa loob ng pakikinig sa isang buong album. Ano ang pwede kong maisip at isulat habang may kumakanta sa nakasalpak na headphones sa tainga ko.
Si nanay pinabayaan si tatay na magluto ng gusto niyang ulam - isda na pangat sa dahon ng gabi. Hindi siya laing kase wala syang gata. Isda sa panahon ng fishkills. Okey din mag-trip. Sawa na daw sya sa karne at manok at gulay. Kahit na bumili ako ng Andok's liempo mas pinili niya ang isdang pangat. Paninindigan na niya. Niluto na niya yun e.
O, last song na ng album. Sana may mapala ang pakikinig at pagsulat ko ng sabay. Pero dahil wala naman talaga akong objective sa ginagawa ko ngayon, may kaibahan ba ito sa paggawa ng bagay ng buong puso at kaluluwa na wala rin namang kinahantungan?
No comments:
Post a Comment